MESSAGE FROM MANILA MAYOR HONEY LACUNA-PANGAN
Mga Minamahal Kong Manileño,
Ang darating na halalan ay isang mahalagang pagpili ng landas para sa ating lungsod.
Narito ang landas na iniaalay ko sa inyo:
➡️ Patuloy na pag-usbong ng ekonomiya ng Maynila, na magbubunga ng mas maraming trabaho para sa mga tatay, nanay, kuya, ate, at maging sa mga lolo at lola na nais pang magtrabaho.
➡️ Masinop na pamamahala sa mga pondo ng lungsod — maayos at tapat na mga proseso at patakaran, upang masigurong bawat piso ay nagagamit nang tama.
➡️ Paggalang sa karapatan ng mga manggagawa at pagtulong sa mga entrepreneur na gustong magtagumpay upang maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.
➡️ Mataas na kalidad ng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo, tinitiyak na ang mga estudyante ay hindi lamang marunong magbasa kundi tunay na nauunawaan ang kanilang binabasa at mahusay sa matematika. Suporta para sa mga guro, estudyante, at paaralan ang ating prayoridad.
➡️ Mapagkalingang serbisyong pangkalusugan at social services — mula sa mga ospital at super health centers, hanggang sa mga programang ayuda upang masuklian nang tapat ang buwis na ibinabayad ng ating mga mamamayan. Daragdagan pa natin ito ng mga school clinics para maalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral at mga guro.
➡️ Maayos na sistema ng paghahakot ng basura. Dalawa na ang contractors natin para dito — kaya nasa ayos na. Kailangan lang ang kooperasyon at disiplina ng bawat isa para mapanatiling malinis ang kapaligiran. Hindi dugyot ang Maynila, at lalong hindi dugyot ang mga Manileño.
➡️ Kaligtasan ng bawat Manileño laban sa krimen, pang-aabuso, at karahasan. Ang bawat lansangan, bawat kanto ng Maynila ay dapat maging ligtas para sa lahat. Sa tulong ng mas pinaigting na presensya ng kapulisan, mas pinadaling proseso ng pagsusumbong ng krimen, CCTVs sa mga kritikal na lugar, at pakikipagtulungan sa mga barangay, walang puwang ang mga kriminal sa ating lungsod.
➡️ Kaligtasan ng bawat Manileño mula sa sunog, baha, at iba pang sakuna. Sa susunod na tatlong taon, magpapagawa tayo ng mga evacuation centers sa tulong ng national government.
➡️ Pakikipag-ugnayan sa mga kumpanya ng kuryente, telco, at internet upang ang mga spaghetti wires ay maiunat nang tama at mailipat sa ilalim ng lupa — iwas aksidente na, hindi pa masakit sa matang pagmasdan.
➡️ Proteksyon sa ating mga vendors at mga truckers. Kapanatagan na wala nang mangongotong sa kanila. At garantiyang mapapanagot sa batas ang sinumang mang-aabuso sa kapangyarihan o mangongotong.
Pruweba ang kauna-unahang Seal of Good Local Governance na nakamit ng Maynila sa ilalim ng aking pamumuno, mas marami pa tayong mapagtatagumpayan dahil sa ating pagkakaisa. Sa patuloy na wasto at mahusay na pamamahala, mas marami pang biyaya ang darating sa bawat pamilyang Manileño.
Ito ang landas na aking iniaalay — isang landas ng Serbisyong Diretso sa inyo — TAPAT at TOTOO. Sa akin, kayo ang laging una. At sama-sama tayong maglalakbay sa tungo sa tamang landas.
Nagmamahal na Ina,
HONEY LACUNA